NAGA CITY – Patuloy na ina-assess ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Environment and Natural Resources Office ang naitalang forest fire sa Mt. Isarog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FC/Insp. Emmanuel Ricafort, firemarshall ng BFP-Naga, sinabi nito na kahapon lang nang maireport sa kanilang opisina ang nasabing sunog.
Hindi agad aniya nakaakyat sa bukid dahil sa layo at ‘di na kaya pang abutin ng mga sasakyan ng mga bombero.
Tatlong ektarya umano ng taniman ang inisyal na nasunog na sakop na ng bayan ng Calabanga, Camarines Sur.
Nagpadala naman ng panibagong team ang kanilang opisina kaninang umaga dahil sa pagkalat na ng apoy at posibleng may naapektuhan na sa Barangay Panicuason na sakop ng Lungsod ng Naga.
Lumalabas sa imbestigasyon na sinadya ang sunog sa lugar dahil may mga nakita raw na sinunog na mga dahon at kahoy sa area na ginagamit para makakuha ng mga honey bees.