LEGAZPI CITY – Umabot sa dalawang ektarya ng mga tuyong cogon ang kinain ng apoy sa sunog na sumiklab sa Purok 1, Sitio Lagsingan, Barangay Poblacion, Rapu-Rapu, Albay.
Madaling-araw umano nang mapansin ang apoy na pinaniniwalaang mula sa sinindihang sigarilyo o kaya’y sa sinindihang cogon na ginamit na ilaw sa pagdaan sa madilim na bahagi ng gubat.
Nakadagdag pa sa paglaki ng apoy ang hanging mula sa silangan, dahilan upang umakyat ito pataas sa bundok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Wenifredo Padilla, hepe ng Rapu-Rapu Municipal Police Station, nagtulong-tulong na ang mga rumespondeng otoridad, gayundin ang tauhan ng Mayor’s office at mga residente, upang mapigilang makarating ang apoy sa residential area ng Indigenous People community sa lugar.
Karamihan kasi sa bahay ng mga ito ay yari sa nipa at cogon na mabilis ding maabo kung makapitan ng apoy.
Nagbayanihan ang mga tao sa lugar kung saan kani-kaniyang igib ng tubig mula sa dagat, ilog at kalapit na swimming pool, para makontrol ang sunog na tumagal ng apat na oras.
Nabatid na nakipag-ugnayan din sa mainland para maipaabot ang insidente subalit hindi na kinailangan pa ng helicopter para sa aerial suppression ng sunog.
Sa kasalukuyan, mahigpit ang paalala ng hepe na maging responsable at mag-ingat sa mga aktibidad sa lugar na may gamit ng apoy upang hindi na maulit ang insidente.