-- Advertisements --

Bumaba na sa pitong milyong ektarya ang forest land sa Pilipinas, batay sa pinakahuling report ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ay mas mababa pa sa kalahati ng mahigit 15 million ektarya ng mga forest land sa bansa. Mayroong kabuuang 30 milyong ektaryang lupain ang Pilipinas at ang kalahati nito ay dating na-classify bilang mga forest land.

Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, apektado ng climate change, pagkawala ng biodiversity at polusyon ang buong mundo, at hindi ligtas dito ang mga kagubatan sa Pilipinas.

Maliban sa mga kagubatan, apektado rin ang mga katubigan o fisheries and aquatic resources ng bansa.

Dahil sa labis na pagkawala ng makapal na forest cover ng bansa, todo-kayod ngayon ang ahensiya para mai-angat ang pitong milyong ektarya ng forest land hanggang sa sampung milyong ektarya.

Paliwanag ni Loyzaga, nitong nakalipas na taon ay nagawa ng ahensiya na mai-map out ang 1.2 million ektarya ng lupain na bubuksan sa iba’t-ibang mga people’s organization na tutulong para sa reforestation project nito.

Umaasa ang kalihim na madadagdagan pa ito ng panibagong tatlong milyong ektarya na pawang maisasailalim sa reforestation pagsapit ng 2028.