-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inaasahang madadagdagan pa ang bilang ng mga investors ng FRX Rice o Forex Trading na magreklamo laban sa agent nito matapos umano nitong itinakas ang kanilang na-invest na pera.

Ito’y matapos magreklamo sa Trento Municipal Police Station ang 17 investors mula sa iba’t-ibang bayan ng Agusan del Sur, gaya ng Trento pati na Tagum City ng Davao del Norte, at Mati City sa Davao Oriental.

Ayon sa mga complainant, itinakas ng Forex agent na si Edeliza Simbahon Ulep ang P88,338,900 na perang kanilang na-pay in.

Nag-ugat ang reklamo matapos na hindi na nila makita pa si Ulep nang magsadya sila sa bahay nito nitong weekend.

Nagresulta ito sa pagransak nila at sa iba nilang mga kasamahan sa pag-aari nitong lodging house kung saan tinangay ang kanyang mga appliance at iba pang kagamitan.

Anim naman sa mga nangransak ay nahuli ng pulisya na kinabibilangan nina Francisco Ayala Pabros, Jhon Rhyn Muta Manug, Junito Hera Vergara, Nicasio Sabandal Jovita, David Zapanta Cuevas, at Virgel Prejoles Benito, pawang residente ng Trento sa Agusan del Sur.