-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nakatakdang i-turn-over sa korte ngayong araw ang tinaguriang “Forex Investment Scam Queen” at ang kasama nito matapos ang matagumpay na pagdala sa kanila sa lungsod ng Roxas nang mga kasapi ng mga kapulisan noong araw ng Biyernes, Nobyembre 14.

Matatandaang una na naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI)-Manila ang 42-anyos na si Lourdes Bulaquiña Baarde ng Rio Grande Subdivision, Barangay Baybay, Roxas City; habang nahuli naman si Joel Domayan ng mga pulis ng Quezon City Police District.

Walang inirekomendang piyansa si Judge Kristine Tianco-Vinculado ng Regional Trial Court Branch 16 sa inihain nitong warrant of arrest sa kasong syndicated estafa laban sa dalawa.

Sa ngayon, nasa bilangguan ng Roxas City PNP sina Baarde at Domayan.

Napag-alamang inihain naman kay Domayan ang dalawa pa nitong standing warrants of arrest sa kaparehong kaso na napetsahan noong Agosto 19 ni Judge Esperanza Isabel Deslate ng Branch 19.

Samantala, nasa 13 naman ang inihain na warrants of arrest sa kasong Estafa kay Baarde at umaabot sa P12,000 ang piyansa sa bawat warrants of arrest nito.

Patuloy namang umaasa ang mga investors ng Forex investment scam na maibalik pa sa kanila ang na-invest na pera kapalit ng kanilang pag-withdraw sa inihain na kaso laban kay Baarde at Domayan at sa iba pa nilang mga kasamahan.