-- Advertisements --

ILOILO CITY – Itinuturing pa rin ni former Senator Franklin Drilon na legacy project ang P680-million na Ungka Flyover sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinakaharap ng proyekto na matagal nang nakatiwangwang sa Iloilo at hindi pa nagagamit.

Ang naturang flyover ay isa sa huling pet projects ng Ilonggo senator bago ito nag-retiro sa pulitika noong 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Drilon, sinabi nitong naniniwala siyang malulutas ang mga problema sa proyekto.

Aniya, pinaghirapan niyang hanapan noon ng pondo ang flyover project dahil nais nitong mas mapadali ang byahe ng mga motorista.

Kung balikan, Enero 2020 nang sinimulan ang proyekto at Hulyo 2021 sana ang unang deadline nito ngunit hanggang ngayon hindi pa ito natatapos.

P680-million ang original budget, ngunit dahil sa mga patong-patong na mga depekto, gumastos ang gobyerno ng P13-million para sa geotechnical investigation na isinagawa ng third party consulting firm.

Pagkatapos ng imbestigasyon, lumabas na nangangailangan ito ng karagdagang P250-million para maayos ang proyekto bago pa man ito magamit ng publiko.