BOMBO DAGUPAN — Wala pang rason upang magselebra.
Ito ang idiniin ng isang abogado hinggil sa pagkakapasa sa ikalawang pagding ng Absolute Divorce Bill.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Lawyer, na bagamat isa itong hakbangin tungo sa legalisasyon ng nasabing panukala, ay hindi pa maaaring ipagdiwang ang pagkakalusot nito sa pagdinig ng Mababang Kapulungan.
Saad nito na kinakailangan munang makapasa ng Absolute Divorce Bill sa Senado kung saan ngayon ay nakasalalay ang desisyon para sa panukala.
Aniya na sa oras na tuluyang maisabatas ang Absolute Divorce Bill, magiging daan ito upang mas mapasimple pa ang paghihiwalay ng isang mag-asawa.
Ngunit, taliwas naman ito sa nakasaad sa Family Code na binibigyang-diin ang kawalan ng diborsyo at tanging marriage annulment lamang ang umiiral sa Pilipinas.
Kaugnay nito ay pinaliwanag ni Atty. Cera na wala sa posisyon si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magpahayag ng kanyang paniniwala na hindi legal ang naging pagbabago sa lumabas na resulta ng botohan sa House of Representatives.
Ito ay hinggil sa lumabas na bilang ng mga pumabor at hindi pumabor sa naturang panukala, na sya namang nagtulak sa House of Representatives na ipasa ito para sa ikatlo at huling pagdinig.
Gayunpaman, kahit mayroon mang pagbabago sa resulta gaya ng nabanggit ni former Senate President Sotto, ay mayroon pa ring signipikanteng kalamangan ang mga pumabor sa mga hindi pumabor at nag-abstain para sa Absolute Divorce Bill.
Samantala, ibinahagi naman nito na ang bill na ipinasa ng House of Representatives ay nagpapakita na ang mga grounds para sa annulment ay inilipat sa Absolute Divorce Bill.
Kabilang dito ang legal separation sa ilalim ng Family Code na pangkaraniwan ay sinasaklaw ang abandonment, psychological incapacity, physical at emotional violence, homosexuality, drug addiction, at iba pa.
Aniya na bagamat marami pang kailangang pagdaanan ang Absolute Divorce Bill bago ito o kung ito man ay maisabatas, naniniwala itong maganda naman ang maidudulot nito sa bansa lalo na sa mga mag-asawa na wala ng pag-asa na maisalba ang kanilang kasal.
Umaasa rin ito na hindi mauulit ang nangyari noong 2018 kung saan ay tinanggap ang development ng nasabing panukala sa ikatlo at huling pagdinig, ngunit natulog naman ito sa Senado.