-- Advertisements --

Inaasahan ni former Solicitor General at Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza na mailahad na ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address ang malinaw at holistic policy sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jardeleza na siya ring nanguna sa nagwaging Philippine legal team sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong Aquino administration, sinabi nito na dapat bigyan ng pagkakataon ang pangulo para mapakinggan ang suhestyon ng kaugnay na government agencies hinggil sa naturang isyu.

Isa sa rekomendasyon nito ay ang pag-file ng panibagong arbitration case upang igiit ang sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa gitna ng patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ang makasaysayan na arbitral ruling noong 2016 na pabor sa Pilipinas.

Ayon kay Jardeleza, dapat i-file ang kaso sa ad-hoc tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o sa International Tribunal for the Law of the Sea.

Ngunit ayon sa former Associate Justice, dapat na mismo ang Office of the Solicitor General of the Philippines ang humawak nito at hindi na kukuha pa ng foreign counsel.

Iginiit rin nito na anumang legal move ng bansa ay nangangailangan ng approval mula sa pangulo na siyang chief architect ng foreign policy ng bansa.