Nakiisa rin sa dalamhati na nararamdaman ngayon ng United States si dating US President Barack Obama at kaniyang maybahay na si Michelle Obama.
Ito ay kaugnay ng dalawang magkasunod na mass shooting sa El Paso, Texas at Dayton, Ohio na kumitil sa buhay ng 31 inosenteng biktima.
Sa pahayag na inilabas ni Obama, ipinahatid nito ang kaniyang suporta sa mas mahigpit na gun control sa bansa. Malaki umano ang maitutulong nito upang maiwasan ang kahit sinong indibidwal na basta na lamang kumuha ng baril at gamitin ito upang pumatay ng mga tao.
Nanawagan din si Obama sa ilang public officials na maging responsable sa pagbabago ng gun laws sa United States upang maiwasan ang ganitong malagim na trahedya.
Una rito ay kinondina ni US President Donald Trump ang nangyaring trahedya ngunit nanindigan ito na hindi umano baril ang pumapatay sa tao kundi ang mental health at galit.
Bagama’t hindi pinangalanan, tila si Trump naman ang pinapatamaan ni Obama hinggil sa mga indibidwal na niyayakap ang idelohiya ng racism sa Estados Unidos pati na rin ang obligasyon umano nila na gumawa ng karahasan bilang hakbang upang isalba ang white supremacy.
Dagdag pa ng dating American president, hindi raw dapat i-tolerate ang lenggwahe ng mga public leaders na nagiging dahilan pa upang mas lalong umigting ang takot at pagkamuhi sa damdamin ng ibang tao maging ang racist sentiments nito.