Ibinahagi ng former world title challenger na si Jeo “Santino” Santisima ang kanyang mga plano matapos ang impresibong panalo nito kontra sa Japanese boxer na si Hiroshige Osawa sa ginanap nilang laban sa Edion Arena sa Osaka, Japan. Dalawang beses na pinatumba ni Santisima ang kanyang kalaban kung saan ito ang dahilan ng kanyang pagkapanalo.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 26-year-old Pinoy boxer na tubong Masbate, inilarawan nito kung paano niya pinaghandaan ang laban at kung gaano ito kahalaga sa kanyang boxing career.
“Napakalahaga [ng katatapos na laban ko] kasi kapag natalo ako, bababa ang rank ko sa world at ang kalaban ko naman ang tataas sa ranking, kaya napakahalaga na nanalo tayo.”
Malaking tulong sa boxing career ni Santisima ang kanyang katatapos na laban dahil matatandaan na bigo ito sa kanyang dalawang nakalipas na laban. Ito nga ay noong February 2022 kontra kay Emanuel Navarette para sa WBO Super Bantamweight crown at noong March 2022 laban naman sa American boxer na si Joet Gonzales para sa WBO International Featherweight belt.
Sa kasalukuyan, si Santisima ay meron ng 22 panalo, 4 na talo at 19 na knockouts.
Si Santisima ang tumapos sa mahabang panahon na pagkatalo ng mga Pinoy boxers na lumalaban sa Japan.