-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang Founder ng Furever Home Animal Shelter na bigyan ng pansin ang kanilang mga alagang aso at pusa kapag nagpapaputok ang mga mamamayan sa pagsalubong ng pasko at bagong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elena Viloria, Founder ng Furever Home Animal Shelter, kanyang sinabi na lumabas sa pag-aaral na malakas ang pandinig ng pusa at aso kaysa sa mga tao ng apat na beses.

Kung sa tao ay masakit na sa pandinig ang mga malalakas na paputok ano na lang sa mga pusa at aso na mas malakas ang pandinig.

Ang mga malalakas na tunog o mga paputok ay magsasanhi ng pagkagulat, pagkabalisa at takot sa mga alagang aso at pusa.

Ang dapat anyang gawin sa kanilang mga alaga ay pakainin ng maaga bago sumapit ang pagsalubong ng bagong taon at maglaan ng espasyo sa loob ng kanilang bahay at huwag pabayaan sa labas ng kanilang bahay.