Hinatulang guilty ng Sandiganbayan 3rd Division si Moro National Liberation Front (MNLF) founder at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Nur Misuari kasama ang 6 na iba pa sa kasong katiwalian kaugnay sa maanomaliyang pagbili ng P77 million halaga ng learning tools ng nakaupo pa itong gobernador ng rehiyon mula 2000 hanggang 2001.
Kaugnay nito, sinentensiyahan ng Sandiganbayan 3rd Division si Misuari ng 6 hanggang 8 taong pagkakakulong para sa bawat 2 bilang ng graft at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Parehong parusa din ang ipinataw sa 6 pa na kapwa akusado ni Misuari na sina Leovigilda Cinches, Pangalian Maniri, Sittie Aisa Usman, Alladin Usi, Nader Macagaan at Cristeta Ramirez.
Abswelto naman si Misuari at kapwa akusado nito sa kasong malversation of public funds matapos bigong patunayan ng prosekusyon ang kanilang guilt beyond reasonable doubt.
Hindi naman nakadalo ng personal ang 85 anyos na si Misuari sa promulgation ng korte subalit binasahan ito ng sakdal sa pamamagitan ng video conferencing.
Bagamat present ang ibang mga akusado kasama ang kanilang mga abogado maliban kay Clinches na umapelang bigyan ng ruling “in absentia” dahil sa poor health nito.
Pinayagan naman ng korte na makapaglagak ng piyansa ang mga ito habang nakabinbin pa ang final resolution ng kaso.
Sa desisyon din ng anti-graft court, inirekomendang doblehin ang P30,000 bond para sa bawat bilang ng graft.
Samantala, sinabi naman ng abogado ni Misuari na si Atty. Ma. lim-Florido na iaapela nila ang naging hatol sa kaniyang kliyente.