-- Advertisements --

Nais ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na palawakin pa sa four-car train ang kasalukuyang operasyon ng three-car train sa naturang rail way upang madagdagan pa ang passenger capacity ng mga tren nito.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, ang dynamic testing para sa four-car train sa mainline nito na layuning masuri ang running safety, ride comfort, at stability ng tren nito laban sa pagkadiskaril at iba pa ay natapos na.

Ngayong nasa ilalim na ng Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) kung saan ay pinapayagan na ang 100% na passenger capacity sa mga pampublikong transportasyon ay karamihan sa mga tren ng MRT-3 ay nakakapagsakay na ng 394 na mga pasahero, habang nasa 1,182 na mga pasahero naman ang naisasakay sa three-car setup, at 1,576 naman sa isang four-car setup.

Samantala, sinabi rin ng pamunuan ng naturang railway na bagama’t naka-disenyo ang platform nito para makapag-accomodate ng four-car set-up ay hindi anila sapat ang haba ng “pocket track” o lugar kung saan pumaparada ang mga tren nito sa labas ng mainline para sa setup na ito.

Ito ang dahilan kung bakit kabilang ang redesigning ng track sa north side ng mainline sa mga inirerekomendang pagbabago upang mapayagan ang ligtas na operasyon ng 4-car train sets.