-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng epektibong disaster management system sa probinsya ng Cotabato, pormal na sinimulan ang Four-Day Exercise Design Course na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) katuwang ang Office of Civil Defense (OCD) XII at Philippine Disaster Resilience Foundation.

Ito ay nilahukan ng 40 Local DRRM Officers mula sa labing-walong bayan sa probinsya kung saan sila ay kasalukuyang sumasailalim sa iba’t ibang simulated exercises upang masubok ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagresponde sa mga kalamidad na maaring tumama sa kani-kanilang lokalidad.

Bilang kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, ipinaabot ni Provincial Liga ng mga Barangay President Phipps T. Bilbao sa mga nakiisa sa nasabing pagsasanay ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan sa adhikain nitong maging handa ang lalawigan sa anumang kalamidad.

Pinuri din nito ang serbisyong ibinibigay ng provincial/local disaster management offices lalo na sa pagresponde sa panahon ng kalamidad at krisis.

Ang naturang aktibidad ay ginanap sa Park Lay Suites, Kidapawan City na dinaluhan nina PDRRMO Head Mercedita C. Foronda, OCD XII Training Chief Adrian Mishael Gino A. Morallas, at iba pang kawani ng PDRRMO at Philippine Disaster Resilience Foundation.