-- Advertisements --

Kinumpirma ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na dinala si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa “clinic” ng detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague upang masubaybayan ang kanyang kalusugan.

Sa isang virtual press conference kahapon, sinabi ni Roque, na kasalukuyang binabantayan ang kalagayan ng dating presidente.

Bagamat hindi ipinahayag ni Roque ang partikular na medical condition ni Duterte, sinabi niyang dumating ang mga gamot ng dating pangulo sa ICC.

Ipinaliwanag pa ni Roque na ipinagkaloob kay Duterte ang mga kapalit na gamot dahil sa kakulangan ng mga tamang gamot sa pasilidad. Gayunpaman, naayos ito nang dumating ang mga orihinal na gamot ni Duterte, kasama ang isang sulat at reseta upang matiyak na matatanggap niya ang mga tamang gamot.

Bukod sa mga gamot, sinabi rin ni Roque na dinalhan niya ng tsinelas at medyas ang dating pangulo, at tinulungan ang kanyang kahilingan na magkaroon ng kanin kasama ng karaniwang pagkain sa ICC facility.

Maalalang noong unang pagdinig ng kaso ni Duterte sa ICC, binanggit ng kanyang legal team ang mga “debilitating medical issues” ng dating pangulo. Gayunpaman, sinabi ng presiding judge na si Iulia Motoc na natuklasan ng doktor ng korte na si Duterte ay ”fully mentally aware and mentally fit.”