Kumpiyansa ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maaabswelto ang dating Pangulo sa kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa lalong madaling panahon.
Ito ang naging kasagutan ng lead defense counsel ni dating Pangulong Duterte na si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman nang matanong sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo.
Ipinunto din ng high-profile international criminal defense lawyer na walang hurisdiksiyon ang kaso dahil kumalas na ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2018 na naging epektibo noong 2019.
Natanong din si Kaufman kung may posibilidad na tuluyang maabswelto ang dating Pangulo o may posibilidad na muling magsumite ng panibagong charges kung sakaling tumanggi ang Pre-trial Chamber na kumpirmahin ang mga kaso laban sa dating Pangulo na nakatakdang dinggin sa Setyembre 23, ng kasalukuyang taon.
Dito binigyang diin ni Kaufman na “innocent until proved otherwise” ang dating Pangulo, at sakaling hindi kumpirmahin ang mga charges laban sa dating Pangulo, papalayain ito nang walang trial o paglilitis.
Natanong din si Kaufman kung ano ang mga pangunahing factor na ikinokonsidera ng korte sa pag-apruba at paggawad ng interim release.
Ipinaliwanag ng defense lead counsel na karapatan ni dating Pangulong Duterte na mapagbigayan ng interim release na maaari lamang umanong ma-deny sa ilang sirkumstansiya. Hindi naman tinukoy ng international lawyer kung anu-ano ang mga ito subalit ang mga ganito aniyang circumstances na humahadlang sa posibleng pagbibigay ng interim release ay wala sa kasalukuyang kaso.
Nakatakda naman aniyang humingi ang kampo ng dating Pangulo ng interim release sa tamang panahon.
Sa huli, sinabi ni Kaufman na ang lantarang paglabag sa mga karapatan ni Duterte sa ilalim ng Article 59 ng Rome Statute ay isang dahilan para isulong ang pangangailangang ipag-utos ang interim release.
Sa ngayon, hindi pa masabi ni Kaufman kung kailan posibleng hingin ng defense panel ang interim release para sa dating pangulo.