Nakahanda umano si dating PRRD na dumalo sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Ayon sa dating pangulo, nakahanda siyang magsalita sa pagdinig ng komite kung siya ay iimbitahan ng komite.
Pero komento nito, sana ay magtatanong ang mga mambabatas ng ‘educated questions’ sakaling dadalo man siya sa pagdinig.
Ayon pa kay Duterte, bukas din siya sa isasagawang imbestigasyon ng Quad Comm kaugnay sa umano’y naging papel niya sa pananambang noon kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Secretary Wesley Barayuga.
Kampante rin ang dating pangulo sa pag-usad ng judicial process kung mayroon mang ebidensiya na ilalabas laban sa kanya at iprepresenta ang mga ito sa mga korte.
Nang matanong naman si Duterte ukol sa umano’y relasyon niya kay dating PCSO General Manager Royina Garma, tinawag lamang niya ito bilang mga tsismis.
Direkta ring sinagot ni dating Pang. Duterte ang umano’y kaugnayan niya sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord na nasa loob ng Davao Prisons and Penal Farm. Ayon kay Duterte, ipinag-utos niya ang pagpatay sa kanila.
Giit nito na basta isang drug lord, kahit nasa impyerno pa, kaniya umanong ipapapatay.
Una nang sinabi sa pagdinig ng Quad Comm ng dalawang self-confessed hitman na sina Edgar Matobato at Leopoldo Untalan Tan Jr. na narinig nila mismi si PRRD na bumati kay dating DPPF head, Supt. Gerardo Padilla matapos ang matagumpay na pagpatay.