-- Advertisements --

Handa si dating Pangulong Rodrigo Duterte na lumipad pabalik ng Maynila para harapin ang mga nag-aakusa sa kaniya sa pagdinig sa House Quad Committee bukas, Miyerkules, Nobiyembre 13 kaugnay sa umano’y extra judicial killing sa drug war campaign sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Ito umano ang sinabi ng dating pangulo sa kaniyang dating executive secretary na si Salvador Medialdea.

Ayon sa isang source mula sa kampo ni Duterte na humiling na huwag pangalanan, lilipad ang 79 anyos na dating Pangulo mula sa kaniyang retirement house sa Davao city.

Subalit, ngayong araw ng Martes, inanunsiyo ng Kamara na kanselado ang isasagawang pagdinig bukas ng komite bagamat hindi naman tinukoy ng kapulungan ang dahilan sa suspensiyon.

Nauna na ngang ipinaabot ng kampo ni Duterte sa pamamagitan ng kaniyang abogado na hindi sisipot ang dating Pangulo sa pagdinig ng House Quad Committee dahil sa kawalan aniya ng integridad at katapatan ng ilang mambabatas na hindi naman na tinukoy o pinangalanan ng dating presidente.

Sinabi din ng abogado ni Duterte na ilang mga testigo umano ang prinessure para tumestigo na may personal silang nalalaman sa pagkakasangkot ng dating Pangulo sa umano’y extra-judicial killings (EJK) habang siya ay Mayor pa ng Davao city at noong siya ay Pangulo.