-- Advertisements --

Hindi na umano kailangan pang muling imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa susunod na pagdinig ng House Quad Committee sa Disyembre 12 kaugnay sa imbestigasyon sa umano’y extra judicial killings sa kampaniya kontra ilegal na droga ng nakalipas na administrasyon.

Ito ang inihayag ni House quad-committee overall chairman Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers.

Aniya, napiga na ng mega-panel ang dating pangulo ng sapat na impormasyon. Ibig sabihin ang pagdalo ni dating Pang. Duterte sa committee hearing noong November 13 ay ang una at huli na nitong pagdalo.

Paliwanag pa ng mambabatas na sa loob ng 13 oras na pagdinig ay narinig na ang mga nais nilang marinig kung saan ilan sa mga ito aniya ay nauna ng ibinunyag o inamin ng dating Pangulo sa naging pagdinig noon sa Senado.

Matatandaan nga na nauna ng dumalo ang dating pangulo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 28 kung saan nagbigay ng napakahabang testimoniya ang dating lider ng bansa.

Samantala, sinabi din ni Cong. Barbers na magpapatuloy pa ang House Quad Comm sa pagsasagawa ng mga pagdinig hanggang sa susunod na taon kaugnay sa mga kaso ng EJK sa ilalim ng Duterte drug war.