-- Advertisements --

Inihayag ni Bataan 1st district Representative Geraldine Roman na “innocent until proven guilty” si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa isang press conference ngayong Martes, Marso 11, kasunod ng pag-aresto ng mga awtoridad sa dating Pangulo pagkadating pa lang nito sa bansa mula sa kaniyang biyahe sa Hong Kong.

Nahaharap ang dating Pangulo sa umano’y crimes against humanity dahil sa mga pagpatay noong kampaniya kontra iligal na droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Hinimok din ng mambabatas ang mga supporter ni ex-PRRD na kung wala silang tiwala sa mga hukuman sa bansa, bigyan aniya ng pagkakataon ang ICC para maidepensa ng dating Pangulo ang kaniyang panig upang maalis ang mga pagdududa.

Giit pa ni Cong. Roman na kung naniniwala ang dating Pangulo na inosente siya sa mga kasong ibinabato laban sa kaniya, tiyak aniyang may mga ebidensiya ito para patunayang inosente siya, at nakadepende na sa pagpapasya ng ICC judges kung hahatulan siyang guilty o inosente.

Saad pa ng mambabatas na magtiwala sa due process at hayaan ang ICC na gawin ang trabaho nito.