-- Advertisements --

Kabilang na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng world leaders na haharap sa kaso sa International Criminal Court dahil sa crimes against humanity kaugnay sa mga pagpatay sa panahon ng war on drugs.

Ito rin ang unang pagkakataon na ang isang dating lider sa Pilipinas ay mahaharap sa isang kaso sa international tribunal. Ito ay bihira para sa anumang bansa na arestuhin ang dating pinuno nito base sa kahilingan ng ICC.

Subalit maituturing itong pambihirang pangyayari lalo na at hindi na miyembro o kumalas na ang PH mula sa ICC simula pa noong 2019 kayat hindi ito obligado sa ilalim ng batas na ikulong ang sinuman na may warrant.

Ilan sa world leaders na inisyuhan ng arrest warrant ng ICC ay na-indict subalit marami ang nananatiling malaya dahil sa pagdepende ng korte sa member states para sa enforcement.

Kabilang sa nananatiling at large ay ang mga kilalang world leader na sina Russian President Vladimir Putin at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na kapwa inisyuhan ng arrest warrant ng ICC para sa war crimes pero dahil hindi din miyembro ng ICC ang Russia at Israel, hindi ito naipatupad.

Mula ng simulan ng ICC ang pag-isyu sa 60 arrest warrants noong 2002, tanging nasa 21 pa lamang ang naisilbi bago ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.

Ito ay dahil nakadepende ang ICC sa mga estado sa pag-aresto sa mga suspek na nakagawa ng krimen sa kanilang bansa.