Kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na inatasan niya si dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma na maghanap ng mga pulis para magamit sa kampaniya kontra iligal na droga.
Maalalang sa naging pagbubunyag ni Garma sa huling pagdinig ng Quad Comm ay sinabi niyang na tinawagan siya ni Duterte noong May 2016 at pinapahanap siya ng mga pulis na miyembro ng INC na may kapabilidad na mag-implementa sa drug war batay sa ‘Davao model’, bagay na ginawa rin umano ni Garma.
Sa isang panayam, sinabi ni Duterte na totoong inatasan niya si Garma na maghanap ng mga pulis na miyembro ng naturang sekta.
Ayon kay Duterte, maaasahan ang mga naturang pulis sa anumang ‘ipapatrabaho’ at sa pera o pondong ibibigay sa kanila.
Gayunpaman, hindi idinetalye ng dating pangulo kung anong proyekto ang kaniyang tinutukoy na maaring ipahawak sa mga naturang pulis.
Samantala, nilinaw naman ng dating pangulo na hindi niya ipinag-utos sa mga pulis na pumatay ng mga drug personalities kapalit ng kaukulang halaga.
Ayon sa dating Pangulo, may nakalaang pondo sa isinagawang kampaniya kontra droga ngunit ito ay tanging operational expenses at hindi bilang reward o pabuya sa mga pulis na makakapatay ng mga drug personalities.
Giit ni Duterte, walang pulis na magnanais na gumawa nito dahil tiyak na makukulong ang mga ito.
Kung nagbigay man siya ng pera, ito aniya ay pawang operational fund at hindi bilang reward.
Kinumpirma rin ng dating pangulo ang kaniyang kautusan sa mga pulis na kapag lumaban ang mga drug personalities sa mga operasyon ay may karapatan ang mga ito na protektahan ang kanilang sarili.