Iginiit ng lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may compelling argument para maibasura ang kaso ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) bago pa man ang nakatakdang trial sa Setyembre 23.
Sa isang panayam, sinabi ng high-profile international criminal defense lawyer na umaasa siyang matitigil ang kaso bago kumpirmahin ng ICC ang mga kaso laban sa dating Pangulo sa pamamagitan ng paggiit na walang hurisdiksiyon dito ang international tribunal.
Giit nito na ang pagkalas ng Pilipinas mula sa korte ay naging epektibo bago pa man payagan ang naturang imbestigasyon ng ICC sa umano’y mga pagpatay sa war on drugs ng dating Pangulo.
Saad pa ng British-Israeli lawyer na pagdating sa hurisdiksiyon, hindi na kailangang maging dean ng isang law faculty para malaman na ito ay magiging isang malaking isyu sa pre-trial.
Kayat bilang isang defense counsel, naniniwala si Haufman na compelling ang jurisdictional argument at magtatagumpay ito at kung hindi man, labis aniya itong manghihinayang.
Kung sakaling pumabor naman ang ICC judges sa naturang argumento, walang mangyayaring pagdinig sa kumpirmasyon ng mga kaso ng dating Pangulo.
Samantala, nauna nang nanindigan ang ICC sa pag-isyu nito ng arrest warrant laban sa dating Pangulo na ang umano’y mga krimen na na-commit nito ay nangyari noong miyembro pa ng ICC ang Pilipinas sa pagitan ng November 1, 2011 at March 16, 2019, bago ito tuluyang kumalas noong 2019.
Isa pa aniyang mahalagang isyu para sa depensa ng dating pangulo ay ang pag-aresto sa kaniya noong Marso 11 at agad na pagpapasakamay sa kaniya sa ICC sa The Hague na itinuturing ni Kaufman bilang kidnapping at isang extrajudicial rendition.
Ikinatuwiran ni Kaufman na dapat dinala si Duterte sa hukom bago siya pinasakay sa eroplano at inilipad patungong The Hague subalit hindi aniya ito nangyari kayat isa aniya itong political hit job.