Naghahanda na ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para maghain ng reklamo laban sa mga tauhan ng Philippine National Police na naghain ng warrant of arrest kamakailan laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at sa lima pang indibidwal.
Ayon kay Duterte, gumamit umano ang kapulisan na excessive at unnecessary force sa paghahain ng warrant.
Bilang itinalagang administrator ng KOJC, ikinalulungkot niya ang naturang pangyayari at ito ang dahilan kung bakit siya gagawa ng legal na hakbang sa laban sa mga operatiba ng PNP.
Aniya, inatasan nito ang mga miyembro ng KOJC na naagrabyado at na-trauma sa isinagawang operasyon na ihanda ang kanilang affidavit.
Ipinasasama rin ng dating pangulo ang imbentaryo sa mga ari-arian ng KOJC na nawasak.
Kung maaalala, noong nakalipas na linggo ay nagtungo ang mga kinatawan ng PNP para ihain ang warrant sa Pastor at sa iba pang kapwa akusado nio.
Di pa man sila nakakapasok sa ari-arian ng KOJC ay hindi na sila makapasok dahil sa mga miyembro nito na humarang sa kanilang team.
Una nang nanawagan ang DOJ sa mga miyembro ng KOJC na huwag harangin ang mga pulis dahil ginagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin.