Tila malabong pagbigyan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa “interim release” o judicial order para sa paglaya mula sa kustodiya bago ang trial.
Ipinaliwanag ni Atty. Joel Butuyan, ICC-accredited lawyer at chairperson ng Center for International Law na mahihirapang kumuha ang dating Pangulo ng interim release lalo na’t flight risk ito o posibleng tumakas ng bansa bago pa man ang trial.
Aniya, kapag pinayagan ang dating Pangulo na makalaya, maaari itong tumangging bumalik sa mga paglilitis sa korte.
Mayroon din aniyang posibilidad na matakot at magalit ang mga testigo at ma-tamper ang mga ebidensiya laban sa kaniya.
Bagamat, pinapayagan aniya ng ICC ang mga detainee na mag-apply para sa interim release habang inaantay ang kanilang trial, binigyang diin ni Atty. Butuyan na dapat mayroong maipakitang “extreme at urgent necessity” ang naturang request bago maaprubahan.
Gayundin, ipinaliwanag ni Atty. Butuyan na mahihirapan ang kampo ng dating Pangulo na makakuha ng interim release kung pagbabasehan ang kalusugan ni Duterte dahil meron naman aniyang independent medical verification na gagawin kung sakali ang ICC.
Nakatakdang isagawa ang pre-trial hearing sa kaso ni dating Pangulong Duterte sa Setyembre 23 na tututok sa kumpirmasyon ng mga kaso.