Kailangang magpakita ng negative test results at magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga nasa US at United Kingdom na nagnanais na magtungo sa France.
Sinabi ni European Affairs Minister Clement Beaune, na ang bagong panuntunan ay magsisimula sa Hunyo 9 kung saan ang US at UK ay itinturing na nasa orange categories.
Nararapat na mayroon silang sapat na dahilan para magtungo sa France gaya ng legal case o child care.
Itinuturing kasi na nasa orange category ang isng bansa kapag mayroong mataas na lebel ng pagkakahawaan ng COVID-19 at ang mataas na bilang ng kaso ng bagong variant gaya ng naitala sa UK.
Mayroong mababang requirements naman ang hahanapin sa mga bansang nasa “green” category na kinabibilangang ng mga bansang miyembro ng European Union, at mga bansa gaya ng Australia, South Korea, Israel, Japan, Lebanon, New Zealand, Singapore kung saan kailangan lamang ang negative test result kahit hindi pa nababakunahan bago pumasok sa France.
Habang ang mga nasa red category gaya ng South Africa, Argentina, Brazil, India at Turkey ay maaaring magtungo lamang sa bansa kapag mayroon silang misyon o ipinag-utos ng kanilang gobyerno.
Ang mga residente naman ng France na galing sa mga bansang nasa red o orange category ay kailangan ng sumailalim sa COVID-19 testing bago makapasok sa bansa.