-- Advertisements --

Bigo ang mababang kapulungan ng Kongreso na matalakay ang mga panukalang batas para sa franchise renewal application ng ABS-CBN bago nag-adjourn ang kanilang session kagabi para sa kanilang lenten break.

Sa ngayon kasi ay pending pa rin sa House Committee on Legislative Franchises ang 11 panukala para sa franchise renewal application ng Lopez-led broadcast company.

Bago ang mag-adjourn ang kanilang session kagabi, isang pagpupulong pa lang ang idinaos ng komite para talakayin ang usapin na ito.

Sa naturang pagupulong, nagtakda lamang ang komite ng ground rules para sa formal deliberations ng franchise renewal application ng TV network.

Ito ay para na rin maiwasan ang sinasabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na mauwi sa “circus” ang pagdinig.

Iginiit ni Cayetano na nais niyang gawing organisado ang magiging pagdinig at hindi mauwi sa “bull session.”

Samantala, unang nang tiniyak ng NTC na bibigyan muna nila ng temporary permit ang ABS-CBN kung mapaso na ang prangkisa sa susunod na buwan.