Bigo ang Kamara na aksyunan ang panukalang batas na naglalayong i-renew ang legislative franchise ng broadcasting giant na ABS-CBN Corp.
Nakatakdang magpaso ang prangkisa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation sa March 20, 2020 o siyam na buwan mula ngayon.
Nangangahulugan lamang ito na kailangan muling ihain ang panukalang batas na ito sa 18th Congress upang sa gayon ay maaksyunan ito.
Pero kapag hindi ma-renew ang prangkisa, mapipilitan talagang magsara ang radio-television network.
Nabatid na mula Nobyembre 2016 pending pa rin sa ngayon sa Committee on Legislative Franchises ang House bill 4349.
Bigo itong makapagsumite ng report bago pa man mag-adjourn ang outgoing 17th Congress.
Magugunita na makailang ulit nang binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN dahil sa umano’y pagtanggi nitong i-ere ang kanyang advertisement noong 2016 election campaign.
Nobyembre ng nakaraang taon nang kanya namang sabihin na tututulan niya ang franchise renewal ng nasabing istasyon.