Lusot na rin sa ikatlong pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng libreng dialysis sa mga pasyenteng kapos palad.
Nagkasundo ang 177 na mambabatas ng Kamara na ipasa ang House Bill 9156 na naglalayong bigyan ng komprehensibong renal replacement therapy (RRT) ang mga pasyente sa lahat ng pampublikong ospital na na-diagnose ng end stage renal disease.
Sa ilalim ng panukala nakasaad din ang pagpapalawig ng coverage ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa kidney transplant, transplantation at iba pang procedures.
Habang pinadadagdagan ang benefit package ng PhilHealth Z para sa peritoneal at hemodialysis matapos ang transplants.
Bukod dito, mahigpit na ipinaguutos ang implementasyon ng “No Balance Billing Policy†o hindi pagsisingil sa nagastos ng indigent patients, gayundin sa PhilHealth members na sumailalim sa medical treatment.
Ang mga nephrologists, dialysis nurses at technicians, maging ang operating room nurses ay inaatasang sumailalim sa training.
Samantala, ipinasasalo sa Philippine Charity Sweepstakes Office ang pagpapatuloy ng sessions ng mga pasyente kapag natapos ng gamitin ng mga ito ang kanilang package mula sa PhilHealth.