LAOAG CITY – Umani ngayon ng samu’t-saring reaksyon ang isinasagawang free mass swab testing sa lungsod ng Laoag.
Ito ay dahil halos hindi umano nasusunod ang social distancing sa dami ng taong nais magpa-swab test base sa kumakalat na mga larawan sa social media.
Marami ang hindi sang-ayon sa kanilang nakikita sa social media at sinabing baka madagdagan pa lalo ang kaso ng COVID-19 dahil hindi naman daw umano nasusunod ang tamang distansya.
Nabatid na maaga pa lamang ay marami na ang mga taong pumunta at pumila, malapit sa Laoag City Public Market and Commercial Complex.
Ganunpaman, kahit marami ang tao ay mayroon namang mga pulis na nakabantay para panatilihin ang distansya.
Nabatid na kailangan umano sa mga magpapa-swab test ay ang Barangay Indigent Certificate, Philhealth number o senior citizen ID at dalawang valid IDs.