CENTRAL MINDANAO-Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Midsayap Cotabato ang Freedom of Information o FOI Ordinance.
Ito ang panukalang batas na nagpapatakbo ng kalayaan sa impormasyon sa LGU-Midsayap at pagbibigay ng mga alituntunin dito para sa lahat ng mga mamamayan.
Nakapaloob sa rito ang pagkakaroon ng bawat Midsayapenyo ng access sa information, official records, public records at mga dokumento at papeles na may kinalaman sa officials acts, transactions at decisions kabilang na ang government research data na basehan ng lokal na pamahalaan sa pagbuo ng polisiya.
Ayon kay Sangguniang Kabataan Municipal Federation (SKMF) President at ex-officio Councilor Mark Ferven Avance, ipinasa ng SB-Midsayap ang FOI ordinance dahil karapatan ng bawat indibidwal na malaman kung paano pinapatakbo ng bawat opisyal ang pag-serbisyo at pamumuno nito sa bayan.
Tatlong komite ang nagtutulungan upang itaguyod ang nabanggit na proposed ordinance na kinabibilangan ng SB Committee on Youth and Sports Development na pinamumunuan ni Kon. Avance, SB Committee on Transportation, Communication and Energy na pinamumunuan ni Konsehal Vicente Doletin, at ng SB Committee on Laws, Human Rights and Justice na pinamumunuan naman ni Konsehal Chelin Monica Arańa.
Ang pagsusulong ng Proposed FOI Ordinance of Midsayap ay bilang tugon sa Executive Order No. 02 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 23, 2016 na humihikayat sa government offices sa ilalim ng Executive Branch at local government units na itaguyod ang freedom of information batay sa mga umiiral na batas at alituntunin.