KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pananambang patay sa isang freelancer technician at pagkasugat naman ng asawa at anak nito na isang menor de edad sa national highway, Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Kinilala ni Police Major Regie Abellera, hepe ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ang nasawi na si Haron Maulana habang ang mga sugatan ang asawa nitong si Joy ” Lenlen ” Maulana at kanilang 17-taong gulang na anak na si alyas Jay na pawang mga residente ng Barangay Awang, Cotabato City.
Ayon kay Abellera,sakay ng Tamaraw FX pauwi sa Cotabato City ang magkapamilya nang tinambangan ng mga armadong sakay ng four-wheeled vehicle na nakasunod pa umano sa kanila.
Armado umano ng matataas na kalibre ng baril ang mga suspek na responsable sa pananambang sa pamilya Maulana.
Halos tadtad ng bala ang windshield ng sasakyan ng mag-anak dahil sa sunod-sunod na pagpapaulan ng bala na ginawa ng mga suspek.
Dead on the spot ang driver ng sasakyan na siya ring Padre de Pamilya habang naisugod naman sa ospital ang mag-ina nito.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow up investigation ang PNP para matukoy ang suspek at motibo sa pamamaril.
Tinitingnan din ang personal grudge na posibleng dahilan ng krimen.
Naghigpit naman ng seguridad ang pulisya sa nabanggit na lugar upang maiwasan na maulit ang pangyayari.