Naglabas na ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa mga bank accounts at assets ni suspended Bamban Mayor Alice Guo, kasama ang dalawang iba pa na umano’y nauugnay sa iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Bamban.
Sa isang pahayag, sinabi ng AMLC na inaprubahan na ng Court of Appeals ang petisyon ng konseho na na pigilan ang paggalaw, mga bank transfer, at iba pang financial operation sa mga assets at bank accounts ng alkalde at mga kasamahan.
Kabilang sa mga sakop ng freeze order ay ang 90 bank accounts mula sa 14 financial institutions, ilang mga real property, at high-value properties, kasama na ang ilang sasakyan at helicopter.
Ang mga naturang indibidwal ayon sa AMLC, ay pinagsususpetsahan ng human trafficking at iba pang iligal na aktibidad sa pamamagitan ng Zun Yuan Technology Inc., BAOFU Land Development Inc. and Hongsheng Gaming Technology Inc.
Katwiran pa ng ahensya, ang naturang aksyon ay upang mapigilan ang paggalaw at tuluyang pagnipis ng mga assets ng mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at iba pang legal proceeding.