Pinalawig pa umano ng Court of Appeals ang inisyung freeze order sa bank accounts, ari-arian at iba pang assets ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang kinumpirma ng legal counsel ng KOJC na si Atty. Dinah Tolentino-Fuentes sa isang press conference sa Davao city ngayong araw ng Huwebes, Agosto 29.
Aniya, pinalawig pa ang freeze order hanggang Pebrero 3 ng susunod na taon. Sa ngayon aniya hindi pa natatanggap ng kanilang kampo ang kopiya ng extended freeze order.
Matatandaan na noong Agosto 5 nang unang inisyuhan ng CA ng 20 araw na freeze order ang mga ari-arian ni Quiboloy kabilang na ang KOJC at Swara Sug Media Corp., na siyang nago-operate sa Sonshine Media Network Internationalm (SMNI), ang media arm ng KOJC.
Sakop ng freeze order ang 10 bank accounts, pitong real properties, limang motor vehicles at isang aircraft na pagma-may-ari ng KOJC, gayundin ang 47 iba pang bank accounts, 16 real properties at 16 motor vehicles ng KOJC
Ang naturang freeze order ay hiniling ng AMLC na inaprubahan naman ng CA matapos na makakita ng resonableng basehan upang paniwalaang my kaugnayan ang mga bank account ni Quiboloy sa mga ilegal na aktibidad at krimen gaya ng human trafficking , sexual at child abuse, at iba pa.