-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Magbabalik operasyon na sa susunod na linggo ang nag-iisang crematorium sa buong Isla ng Panay na umaasikaso sa mga namatay sa COVID-19.

Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Kalibo kay Mrs. Fely Abecia, may-ari ng Gegato Abecia Funeral Homes Incorporated & Crematory halos dalawang linggong itinigil ang kanilang operasyon upang mabigyan ng oras ang pag-cremate sa iba pang nakatambak na mga patay.

Sinabi pa nito na bibili rin sila ng freezer van batay sa suhestiyon ng City government of Iloilo upang may mapaglagyan sa mga bangkay habang hinihintay ang schedule ng cremation.

Nabatid na nakuhaan ng video ang patong-patong at nakakalat na mga kabaong sa sahig ng naturang crematorium.

Dagdag pa ni Abecia na halos 20 bangkay lamang ang maaaring isalang sa kanilang “human cremation machine” bawat araw, subalit kahit sila ay nagulat sa pagbuhos ng mga bangkay simula noong kalagitnaan ng Hulyo mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Panay.

Kaugnay nito, ipinasiguro ng funeral homes na binibigyan nila ng kaukulang respeto at pagtrato ang mga bangkay ng COVID-19 victim.