-- Advertisements --

Iniulat ng mga French authorities ang pagkaka-nutralisa sa ilang mga banta sa 2024 Paris Olympics, bago ang tuluyang pagbubukas ng pinakamalaking torneyo sa buong mundo.

Kinabibilangan ito ng isang 40 anyos na Russian na naaresto sa kanyang mismong apartment at nagpaplano umanong i-destabilize ang Olympic Games.

Siya ay inakusahang nagsasagawa ng intelligence work at may plano umanong magsimula ng kaguluhan sa France. Kung napatunayang totoo, ang kasong kanyang kahaharapin ay may penalty na 30 years na pagkakabilango.

Nakuhanan ito ng mga bagay na pinaniniwalaang gagamitin para sa destabilisasyon ng Olympics.

Maliban sa naarestong Russian, binabantayan din ng mga otoridad ang banta ng cyberattack, misinformation, at iba pang ikinukunsiderang banta sa ikakatagumpay ng Olympics.

Bagaman nagawa na umano ng mga French authorities na ma-nutralisa ang iba pang banta, inaasahang mayroon pang ibang mga banta na mabubuhay sa mga susunod na araw.

Isa sa mga halimbawa dito ang umano’y lumabas na video sa internet kung saan nagbabanta ang grupo ng Hamas laban sa Olympics. Matapos i-validate ng mga otoridad, wala umano itong katotohanan.

Ayon sa mga French authorities, siguradong mas dumami pa ang kahalintulad na misinformation sa mga susunod na araw habang umuusad na ang Olympics.