Bagaman isasagawa ang nalalapit na Olympics sa France, ang namesake o kapangalan ng sikat na French fries, hindi pa rin makakatikim ang mga olympian ng fries sa kabuuan turneyo.
Ito ay matapos magdesisyon ang mga organizers na tanggalin ang sikat na French fries sa listahan ng mga pagkain na isisilbi sa mga atleta.
Ayon kay Estelle Lamotte, deputy director for catering sa Paris Olympics, hindi makakapag-offer ang organizer ng French fries dahil sa ilang technical reasons. Isa na rito ang hindi pagpayag sa paggamit ng mga deep-fat fryers sa mga temporary kitchen.
Kapalit ng French fries aniya ay ang mga masasarap na lentil at iba pang gulay.
Ngayong araw, June 26 ay nagsagawa ang mga organizer ng unang test-run kung saan ipinakita ang mga food offering sa publiko, sports figure, at mga mamamahayag.
Kinabibilangan ito ng mga pagkain mula sa ibat ibang bahagi ng mundo kung saan 50 dishes ang isisilbi araw-araw. 25 dito ay 100% na vegetarian.
Malaking porsyento rin ng mga isisilbing pagkain ay bahagi ng French gastronomy.
Samantala, ang magsisilbing pangunahing restraurant kung saan kakain ang mga olympians ay isang 3,300-seater na nasa Paris Olympic village. Ito ay binubuo ng anim na magkakaibang dining hall kung saan pwedeng pumili ang mga atleta ng kanilang nais kainin.