PARIS – Iminungkahi ng European affairs minister ng French government na dapat umanong alisin na ng Vatican ang diplomatic immunity na ipinagkaloob sa kanilang papal envoy sa France.
Si Apostolic Nuncio to France Archbishop Luigi Ventura kasi ay kasalukuyang imiimbestigahan dahil sa mga kaso ng sexual molestation.
Nitong Enero nang buksan ng mga French prosecutors ang imbestigasyon kay Ventura matapos akusahan ito ng pangmomolestiya ng isang junior official sa Paris City Hall.
Hindi kasi makuwestiyon ng mga otoridad si Ventura dahil sa natatamasa nitong diplomatic immunity bilang papal nuncio, na katumbas ng isang ambassador.
Ayon kay European Affairs Minister Nathalie Loiseau, kailangan na umanong gawin ng Vatican ang kanilang makakaya upang payagan ang mga French prosecutors na makapagtanong sa arsobispo.
Giit ni Loiseau, layon naman talaga daw nito ay mapalabas ang katotohanan.
“At this point, (Archbishop Ventura) benefits from diplomatic immunity, but the Holy See is clearly aware of the serious accusations that have been brought against the apostolic nuncio and I don’t doubt for a second that the Holy See will do the right thing,” wika ni Loiseau.
Una nang sinabi ng Vatican na batid nila ang isinasagawang pagsisiyasat kay Ventura, at kanilang hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon. (Reuters)