BAGUIO CITY – Ginagamot na ngayon sa Luis Hora Memorial Regional Hospital ang isang French national na natagpuang buhay ngunit sugatan sa kalagitnaan ng kagubatan sa bayan ng Barlig, Mountain Province matapos mawala ng pitong araw.
Kinilala ni PLt. Morris Nay-osan, OIC ng Barlig Municipal Police Station ang dayuhan na si Jacques Francioly, 70-anyos mula France.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na nag-check in si Francioly sa isang inn and restaurant sa Gawana, Barlig noong January 13 at noong January 14 ay nagpa-alam na mamamasyal ito sa nasabing bayan.
Gayunman, hindi na ito nakabalik hanggang gabi ng January 21 kaya agad nagreport sa pulisya ang may-ari ng inn at dito agad isinagawa ang search and rescue operation.
Napag-alaman aniya na tumanggi si Francioly na kumuha ng tour guide nang pagsabihan ito ng mga naka-usap niyang tour guides at sinabi niyang hindi ito magha-hiking.
Inamin ng isang residente doon na nagtanong sa kanya si Francioly ng direksion patungo ng Pula, Banaue, Ifugao via Latang, Barlig.
Sinabi ni Nay-osan na hapon nitong Miyerkules ay natagpuan ng search and rescue team ang nanghihina at sugatang dayuhan sa tabi ng isang sapa sa gitna ng kagubatabn sa Sikling, Latang, Barlig.
Aniya, posibleng nahulog si Francioly sa bangin na may lalim na 10-15 metro patungo sa sapa habang naghahanap ito ng tubig.
Agad nilapatan ng first aid at binigyan ng pagkain ang dayuhan bago inilagay sa stretcher, binuhat ng aabot sa apat na oras na lakaran at dinala sa pagamutan.
Si Francioly ang ikalawang dayuhang nawala ng higit isang linggo sa kagubatan ng Barlig, kung saan noong June 2017 ay nawala din doon si Songkyu Choi ng South Korea sa loob ng walong araw.
Dahil dito, umaapela si Nay-osan sa mga turistang interesadong pumunta ng Barlig, Mt. Province ng pagkuha ng mga ito ng serbisyo ng mga tour guide.
Plano aniya na gawing ordinansa ang ‘no tour guide, no hike’ sa kanilang bayan para may batayan silang magpa-uwi sa mga turistang hindi susunod dito.