Papahintulutan na ng French Open ang mga fans na makadalo nang personal sa ipinagpalibang torneyo ngayong taon.
Ayon sa French Tennis Federation, balak nilang mag-operate ng mula 50% hanggang 60% ng karaniwan nilang kapasidad sa oras na magsimula na ang mga laro sa Setyembre sa Roland Garros.
Sisimulan naman anila ang pagbebenta ng ticket sa Hulyo 16 para sa tournament, na tatagal mula Setyembre 27 hanggang Oktibre 11.
Kung maaalala, itinakda noon sa Mayo 24 ang pagbubukas ng clay-court tournament, ngunit inurong ito sa Setyembre 20 dahil sa coronavirus pandemic.
Kalaunan nang iusog muli ang pagsisimula ng torneyo ng isa pang linggo.
Naglatag naman ang FFT ng health and safety protocol upang tiyakin ang kaligtasan ng mga manonood.
“The number of spectators allowed in the stadium will be 50%-60% of the usual capacity,” saad ng FFT. “This reduction will allow strict distancing measures to be respected.”