-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinayuhan ni Pangulong Emmanuel Macron ng France ang mga opisyal ng Lebanon na ayusin ang kanilang bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rochelle Ajedo, overseas Filipino worker (OFW) sa Beirut, sinabi niya na dumating kahapon ang pangulo ng France at nakipagpulong sa mga opisyal ng bansa.

Nagbigay din si Macron ng tulong pananalapi, gamot, at firefighter workers para tumulong sa paghahanap ng marami pang nawawala dulot ng naganap na pagsabog sa Beirut.

Tiniyak naman ni Macron na hindi ito makikialam sa usaping panloob ng Lebanon at pinayuhan niya ang mga pinuno na ayusin ang kanilang bansa sa loob ng tatlong buwan.

Sinabi pa ng French chief executive na sa kanyang pagbabalik sa buwan ng Disyembre ay makita nito ang mga pagbabago sa Lebabon.

Samantala, sinabi pa ni Ajedo na batay sa mga lumalabas na balita ay wala pang inilalabas na resulta ng mga isinasagawang imbestigasyon sa pagsabog sa daungan sa Beirut.

Nagbalik na ulit ang operasyon ng port of Beirut at sa katunayan ay nasa walumpong bahagdan na itong operational.

Ayon kay Ajedo, ang mga nasira na lamang na gusali at mga bahay ang inaayos ngayon sa tulong na rin ng iba’t ibang bansa.