PARIS – Susubukan umano ni French President Emmanuel Macron na ipagpatuloy ang dayalogo sa pagitan ng Iran at mga Western partners sa Hulyo 15 upang mapahupa ang tensyon sa rehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng tanggapan ni Macron na nakipag-usap daw ito kay Iranian President Hassan Rohani ng mahigit isang oras sa gitna na rin ng gusot sa pagitan ng Tehran at Estados Unidos.
Nagpahayag umano si Macron ng labis na pagkabahala sa panibagong pagpapahina sa 2015 accord na naglalayong pigilan ang nuclear ambitions ng Iran.
“The President of the Republic has agreed with his Iranian counterpart to explore by July 15 conditions to resume dialogue between the parties,” saad sa pahayag.
Patuloy din umano ang pakikipag-ugnayan ni Macron sa mga otoridad sa Iran at sa iba pang mga partido para sa pagpapakalma ng sitwasyon tungkol sa nuclear issue ng Tehran.