Sabak agad sa iba’t ibang showbiz commitment si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach matapos ang pagsailalim sa dalawang linggong quarantine.
Ayon sa 31-year-old half German beauty na tubong Cagayan de Oro, nainip siya sa haba ng quarantine kaya labis na excited sa pagiging abala muli.
Nabatid na March 24 ng gabi o madaling araw ng Huwebes (Manila time), gagawa ng kasaysayan si Wurtzbach bilang first ever Miss Universe titleholder na itatampok sa Arab Fashion Week.
Una nang inilabas ng Arab Fashion Week ang teaser para sa short film na “Inner Sanctum” kung saan makikita ang pangatlong Pinay Miss Universe na suot ang avant-garde creations ng Dubai-based Filipino designer na Furne One.
Ang naturang five-minute fashion film ay kinunan ng Dubai-based director na si Alex Suhorucov sa backdrop ng rock formations sa Buhais Geology Park in Sharjah, United Arab Emirates.
Sinasabing ang Inner Sanctum ay pribado at banal na lugar na tatalakay sa buhay ng isang babae na maiipit sa kanyang sariling mabuti at masamang katangian ngunit sa huli ay mangingibabaw ang pagpili sa tamang landas.
Disyembre noong nakaraang taon nang tanghalin si Wurtzbach bilang Woman of the Year ng isang Dubai-based luxury magazine.
Samantala matapos sa Arab Fashion Week, tutok naman si Pia sa digital Earth Hour sa darating na Sabado, March 27.
Isa siya sa celebrity World Wide Fund (WWF)-Philippines ambassadors na tatalakay hinggil sari-saring usaping nakaaapekto sa ating kalikasan gaya ng composting at pag-iwas sa pagsasayang ng pagkain, gayundin ang panganib ng plastic pollution at kung ano ang ginagawa ng mga komunidad upang maresolba ito.
Makakasama nito ang Megastar daughter na si KC Concepcion at aktres na si
Iza Calzado.