Paiiralin umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Friends to all, enemies to none” policy ng administrasyon sa pagdalo nito sa 35th ASEAN Leaders’ Summit sa Thailand.
Pahayag ito ni Presidential Communication Sec. Martin Andanar nang matanong kung mayroon bang nakikitang panganib o hindi magandang epekto sa relasyon ng Pilipinas sa China sakali man na hindi maisapinal sa lalong madaling panahon ang Code of Conduct of Parties in the South China sea.
Sinabi ni Sec. Andanar, ang relasyon ng Pilipinas sa China ay multi-faceted at hindi naman limitado lamang sa isang aspeto partikular sa isyu ng teritoryo.
Ayon pa kay Andanar, halimbawa na rito ang kooperasyon ng dalawang bansa sa area ng kalakalan, investment, turismo at people to people exchanges.
Inihayag pa ng opisyal na habang nagpapatuloy ang diskusyon at pagsasapinal ng ASEAN Community at China sa mekanismo ng COC, magpapatuloy din ang cultural exchange ng dalawang bansa, maging ang partnership nito upang labanan ang iligal na droga, terorismo at human trafficking.
Ang Pilipinas umano, bilang country coordinator ng ASEAN sa China ay mas magpupursige sa pagpapanatili ng good environment para sa final approval at implementasyon ng COC.