-- Advertisements --

Kapwa hindi akalain nina Barbie Imperial at Diego Loyzaga na mauuwi sa romantic relationship ang kanilang kulitan lamang bilang magkaibigan.

Unang pagdedetalye ito ng 22-year-old actress at 25-year-old actor mula nang isapubliko ang kanilang relasyon nitong pagsapit ng 2021.

Taong 2018 nang sila ay magkakilala kung saan mula sa kamustahan ay nagkayayaan na ang kani-kanilang circle of friends na mag-beach sa Pangasinan, hanggang sa hinanap-hanap na nila ang isa’t isa.

Pag-amin ni Barbie, naging crush niya na ang anak ng veteran actress na si Teresa Loyzaga at dumating sa puntong tini-text niya ito kahit hindi nagre-reply.

“Hindi ko alam, bigla na lang, parang sobra na yung pake ko para sa kanya,” ani Imperial sa video blog na in-upload ng Star Magic.

Sa panig naman ni Diego, may impact sa kanya ‘yaong pananatili ng presensya ng aktres kahit pa halos dalawang taon siyang nawala sa showbiz at sa social media.

“Kinukulit ko siya araw-araw,” saad naman ni Loyzaga sa parehong vlog.

Una nang nagpasalamat si Diego dahil naging maganda aniya ang pagtatapos ng kanyang 2020 dahil kay Barbie.

Si Carlos Diego Loyzaga ay anak ni Teresa kay Cesar Montano.