BACOLOD CITY – Wala ng buhay nang matagpuan ng kanyang pamilya ang isang frontliner matapos nitong barilin ang sarili sa loob ng kanyang kuwarto sa Villa Lucasan Capitol Heights, Barangay Mandalagan, Bacolod City, kahapon.
Kinilala ang biktima na si Michael Superficial , 29-anyos na nagtatrabaho bilang information technologist sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Richard Fajarito, station commander ng Bacolod Police Station 3, inihayag nito na pagdating ng biktima sa kanilang bahay galing sa duty, niyakap nito ang kanyang kapatid bago pumasok sa kanyang kuwarto.
Dakong alas-4:00 ng hapon, nakarinig ng putok ang mga kasamahan nito sa bahay ngunit hindi nila ito pinansin.
Pasado alas-6:00 ng gabi, nagtaka na ang pamilya nito kung bakit hindi pa rin siya lumalabas ng kanyang kuwarto.
Pinuntahan ng mga ito ang biktima ngunit naka-lock ang pinto ng kanyang silid.
Nang kanilang sinilip, tumambad ang biktima na nakahiga sa kama at duguan.
Ayon sa hepe ng pulisya, .38 caliber revolver ang ginamit ng biktima sa pagbaril sa kanyang ulo.
Sa ngayon, hindi pa masasabi kung ano ang dahilan sa pagpapakamatay ng frontliner.