BAGUIO CITY – Lalo pang bumaba ang temperatura sa Baguio City at mga matataas na bayan ng Benguet Province, gaya ng bayan ng Atok kung saan nagsimula ng maitala ang ilang insidente ng frost o andap lalo na sa mga pananim na gulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, ibinahagi ni Atok Mayor Raymundo Sarac na partikular na nakakaranas ngayon ng pag-andap ang bahagi ng Englandad sa Barangay Paoay.
Gayunman, nilinaw niya na ngayong buwan ng December ay hindi araw-araw ang pag-andap dahil paminsan-minsan lang na nangyayari ito.
Kayang-kaya na aniya ng mga magsasaka na kontrolin ang andap sa kanilang mga pananim na gulay dahil alam na ng mga ito ang dapat nilang gawin lalo na sa mga panahon na inaasahan na ang mga ganitong insidente.
Sinabi niya na hindi na nagtanim ang ilang magsasaka doon ng mga gulay na madaling masira sa andap at ang iba ay itinaon ang pagtatanim at pag-aani para hindi sila maapektuhan ng andap.
Nagpalit na din ng itinanim na gulay ang mga magsasaka kung saan, mga gulay na hindi masyadong apektado sa frost ang kanilang itinanim gaya ng radish, carrots at patatas.
Kung sakali aniyang may frost sa mga pananim na gulay, bago pa ang pagsikat ng araw ay dinidiligan-na ng mga magsasaka ang kanilang mga pananim para hindi matuyo at malanta ang mga dahon ng mga ito.
Nilinaw pa ng alkalde na hindi apektado ang presyo ng mga gulay dahil sa andap lalo na at hindi lamang sa Atok nanggagaling ang mga gulay dito sa Benguet.
Samantala, mas bumaba pa ang temperatura sa Baguio City kaninang alas-singko ng umaga na naitala sa 11.8 degree Celsius, na mas mababa sa 12.0 degree Celsius na naitala kahapon.
Naitala din ang 11.0 degree Celsius na lowest temperature sa Atok, Benguet ngayong araw na mas mataas sa 9.0 degree Celsius na naitala kahapon.
Ngayon taon 2021, ang lowest temperature ng Baguio City ay naitala sa 9.0 degree Celsius noong February 22.
Sa record naman ng PAGASA, naitala noong January 18, 1961 ang lowest temperature ng Baguio City na umabot sa 6.3 degree Celsius.