Umaalma ang grupong Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) sa kadahilanang may ilan pa sa ating mga kababayang tsuper ng public utility vehicle (PUV) ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga fuel subsidy na tulong ng pamahalaan sa gitna ng taas-presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang pahayag ay sinabi ng ALTODAP na nakatanggap sila ng mga ulat na nagsasabing may mga operator ng PUVs ang hindi ibinibigay sa mga tsuper ang kanilang mga fuel subsidy.
Ayon sa grupo, marami daw kasing mga operator ang wini-withdraw ng cash ang nasabing ayuda ngunit hindi naman ito ipinamamahagi sa kanilang mga nasasakupan na drivers.
Magugunita na noong nakaraang linggo inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatroy Board (LTFRB) ang nasa P703 million na halaga ng fuel subsidies para sa 108,164 benepisaryo na nakatanggap naman ng nasa P6,500 kada unit bilang bahagi ng Pantawid Pasada program.