CAUAYAN CITY – Dalawa ang nasawi sa pagkasunog ng katawan habang tatlo ang nasugatan matapos mahulog sa tulay at sumabog ang isang fuel tanker dakong alas-11:00 kagabi sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Police Major Romeo Barnachae Jr., hepe ng Bagabag Police Station na patuloy ang kanilang imbestigasyon para makilala ang nasunog na katawan ng driver at pahinante.
Galing aniya ang fuel tanker sa Manila at patungog Isabela nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver sa bukana ng tulay.
Dahil dito, bumangga sa railing ang truck at nahulog sa baba ng tulay na may 10 metro ang lalim.
Lima ang sakay ng fuel tanker at ang tatlong nasugatan na nagtamo ng sunog sa katawan ay isinugod sa isang ospital sa Solano, Nueva Vizcaya.
Sila ay sina Edwin Pacleba, 52 at Jayson Pacleba, 18, kapwa residente ng Palattao, Naguilian, Isabela at Eric Peralta, 34 at residente ng Ramon, Isabela.
Sa ilalim ng tulay ay may bunkhouse ng mga laborer sa ginagawang bagong tulay ngunit walang nadamay sa kanila dahil nakatakbo sila bago nasunog ang bunkhouse.
Nadamay ding nasunog ang ilang tricycle, elf at ilang equipment na ginagamit sa construction.
Agad namang tumugon ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Bagabag at mga karatig na bayan para apulain ang sunog na dulot ng pagsabog ng fuel tanker.
Naapula ang apoy matapos ang ilang oras.