-- Advertisements --
Fuga Island

TUGUEGARAO CITY – Pinayuhan ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang pamahalaan na magdahandahan sa pagpapasok ng mga dayuhan lalo na ang China sa Fuga island group sa Aparri, Cagayan.

Sinabi ni Enrile na ang mga isla ng Fuga, Barit at Mabbag ay strategic sa national security ng Pilipinas.

Binigyan diin niya na kung mapupunta sa kontrol ng China ang nasabing mga isla ay malalagay umano sa matinding panganib ang ating bansa.

Naniniwala siya na gagamitin ng China ang mga isla para sa kanilang Naval at Air Force bases para magkaroon ito ng kontrol sa sea lane sa South China Sea.

Reaksyon ito ni Enrile sa pahayag ni CEZA Administrator Raul Lambino na may Chinese investors na gustong pumasok sa nasabing lugar.

Bukod dito, sinabi ni Enrile na kung ookupahan ng China ang mga nasabing isla, dodominahin nito ang buong Balintang Channel na magreresulta umano ng malaking strategic problem para sa bansa.

Idinagdag pa niya na magbibigay din ito ng magandang logistic base para sa Chinese Liberation Army para suportahan ang anumang planong aktibidad ng China sa Philippine Rise.

Nangangamba rin siya kung nasa Fuga island groups ang red China ay magagamit nila ito para mag-supply ng mga armas sa mga rebeldeng grupo.